Martes, Hulyo 8, 2014

Halimbawa ng Alamat :)





Ang Alamat ni Prinsesa Manorah
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.
Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.
Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.
Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree.
Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.
Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.


=> Ang Alamat na ito ay nagmula sa Thailand . Kapansin pansin sa akda ang Kultura ng Thailand na kung saan sila ay kabilang sa monarkiyang pamahalaan na nangangahulugang pinamumunuan at Reyna at Hari .
      Isa rin itong Patunay na ang Alamat ay hindi lamang tumatalakay sa mga bagay bagay bagkus ito rin ay ang mga pangyayaring pinaniniwalaan na totoo noon, ngunit sa paglakad ng panahon ito ay nagiging kathang isip na lamang . Halimbawa ang mga Kinaree dahil ang mga gantong nilalang ay pinaniniwalaan noon ngunit sa kasalukuyan ay nananatili na lamang ito na kathang isip .
     




Ang Buwang Hugis-Suklay
(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Noong unang panahon, may isang mangingisda na nagpaalam sa kaniyang asawa na lumuwas sa kabayanan upang mamili ng mga gamit sa pangingisda.


Nagpabili ang kaniyang asawa ng kendi para sa kaniyang anak na lalaki, at isang suklay na hugis buwan.
Sinabi ng kaniyang asawa na upang hindi niya makalimutan, tumingala lamang siya sa kalangitan at makikita niya ang buwang hugis-suklay.
Sa araw na iyon, ang buwan ay talaga namang magsisimula nang maging hugis-suklay.
Nagsimulang humayo ang mangingisda at matapos ang maraming araw at gabi ng paglalakbay, narating niya ang kabayanan.
Agad-agad niyang binili ang mga kagamitan sa pangingisda at ang kendi para sa anak. Ngunit sa kasamaang palad, nakalimutan niya ang ipinagbilin ng asawa na dapat bilhin. Naghalughog siya sa buong tindahan upang maalala lamang niya ang ipinabili ng asawa. Napansin ito ng tagapangalaga ng tindahan.
“Maaari ko po ba kayong tulungan?,” tanong ng tagapangalaga sa mangingisda.
“Hinahanap ko ang ipinabibili ng aking mahal na asawa.” tugon naman niya.
“Pampapula ho ba ng labi?”
“Hindi.”
“Pitaka?”
“Hindi rin.”
“Unan?”
“Unan? Naaalala ko na! Sinabi niyang tumingala ako sa buwan.” Masayang tugon ng mangingisda. (Sa orihinal na teksto, ginamit ang salitang spoon upang magkasintunog sa moon. Sa salin na ito, ginamit ng tagapagsalin ang salitang unan upang maging magkasintunog sa salitang buwan.)
Tumingala ang tagapangalaga at nakita ang bilog na bilog na buwan na siya ring nakita ng mangingisda sa kaniyang pagdating sa kabayanan mula sa mahabang paglalakbay.
“Alam ko na. Makikipagpustahan ako sa ‘yo. Ito ang gusto ng asawa mong bilhin mo para sa kaniya,” panghahamon ng tagabantay ng tindahan.
Agad-agad na inilagay ng tagabantay ang bilog na bagay sa isang supot. Binayaran ito ng mangingisda at lumisan.
Sa kaniyang pagdating, nadatnan niya ang nag-aabang niyang asawa, anak, ang kaniyang ina at ama.
“Kumuha ka ng kendi,” ang sabi niya sa kaniyang anak.
“Natandaan mo ba kung anong ipinabili ko sa ‘yo?,” ang tanong ng kaniyang asawa.
Masayang itinuro ng mangingisda ang lukbutan na kinalalagyan ng kaniyang binili para sa asawa.
“Wala naman dito ang suklay na hugis-buwan,” pasigaw na sabi ng asawa.
Lumapit ang mangingisda sa kinalalagyan ng lukbutan, dinukot ang supot at inabot sa asawa.
Pinunit ng asawa ang supot at nakita ang sarili sa salamin kasabay ng panghahamak.
Ganoon na lamang ang pagkabigla ng mangingisda sa naging reaksiyon ng asawa.
“Bakit ka nagdala ng mia noi? Ito’y isang pang-aalipusta!” pasigaw ng asawa.
(Ang mia noi ay mga salitang Lao na katumbas ng pangalawang asawa na mas bata sa unang asawa. Ito’y bahagi ng lipunang Thai at Lao.)
Hinablot ng ina ng lalaki ang salamin at nagwika.
“Nakakadiri ka nga. Nagdala ka ng mia noi, na napakatanda na at nangungulubot pa. Paano mo ito nagagawa?”
Tumayo ang kaniyang anak na noo’y nakaupo malapit sa kaniyang lola at hinablot ang salamin.
“Lolo, tingnan ninyo. Kinuha niya ang aking kendi at kinakain pa.” pagalit na sabi ng bata.
“Tingnan ko nga ang masamang taong ito.” Hinablot ng lolo ang salamin mula sa bata. “Iniismiran pa ako ng kontrabidang ito! Sasaksakin ko nga ng aking patalim.”
Inilapag sa sahig ng lolo ang salamin at inundayan ng saksak.
“Sasaksakin din niya ako!” sigaw ng lolo.
Nang makita ito ng lolo, siya’y galit na galit na sinaksak ang salamin at tuluyang nabasag.

“Ngayon ay hindi ka na makagagambala pa sa kahit sino!” ang sabi ng lolo.




=> Ang kwentong ito ay nagmula naman sa Laos. Marahil naguguluhan kayo kung bakit ang pamaagt ay buwnag hugis ng suklay , dahil ang Half moon o ang kalahati ng buwan ay katumbas ng hugis ng suklay kung ating papalawakin ang ating mga imahinasyon :) at bakit nga ba bilog na bagay ang nabili ng mangingisda ? dahil nung mga panahong hindi nya naalala ang pinapabili ng kanyang asawa , sinunod nya ang bilin nito na tumingin lamang sa kalangitan at nakita nya ang bilog na buwan kaya naisipan nyang bumili ng salamin .

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento