Biyernes, Setyembre 19, 2014

Ikalawang Markahan :) Aralin 2.1

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG TANKA AT HAIKU
http://media.engadget.com/img/product/16/ckh/haiku-project-haiku-qkf-800.jpgIsinalin sa Filipino ni M.O. Jocson
Sa ilang anyo ng tula, ang Tanka at Haiku ang pinahahalagahan ng panitikang Hapon. Lumaganap ang Tanka noong ikawalong siglo at ang Haiku noong ika-15 siglo. Layunin ng mga tulang ito na pagsama-samahin ang mga ideya at imahe sa pamamagitan ng kakaunting salita lamang.

Ang pinakaunang Tanka ay nasa kalipunan ng mga tula na tinawag na Manyoshu o Collection of Ten Thousand Leaves, isang antolohiya na naglalaman ng iba’t ibang anyo ng tula na karaniwang binibigkas at inaawit ng nakararami. 
Sa panahong lumabas ang Manyoshu, kumawala sa makapangyarihang impluwensiya ng sinaunang panitikang Tsino ang mga manunulat ng Hapon. Ang mga unang makatang Hapon ay sumusulat sa wikang Tsino sapagkat eksklusibo lamang ang wikang Hapon sa pagsasalita at wala pang sistema ng pagsulat. Sa pagitan ng ikalima hanggang ikawalo siglo, isang sistema ng pagsulat ng Hapon ang nilinang na mula sa karakter ng pagsulat sa Tsina upang ilarawan ang tunog ng karakter ng Hapon. Tinawag na Kana ang ponemikong karakter na ito na ang ibig sabihin ay “hiram na mga pangalan”.

Noong panahong nakumpleto na ang Manyoshu, nagsimulang pahalagahan ng mga makatang Hapon ang wika nila sa pamamagitan ng madamdaming pagpapahayag. Kung historikal ang pagbabatayan, ipinahahayag ng mga Hapon na ang Manyoshu ang simula ng panitikan nilang nakasulat na matatawag nilang sariling-sarili nila.

Maiikling awitin ang ibig sabihin ng Tanka na puno ng damdamin. Bawat Tanka ay nagpapahayag ng emosyon o kaisipan. Karaniwang paksa naman ang pagbabago, pag-iisa, o pag-ibig. Tatlumpu’t isa ang tiyak na bilang ng pantig na may limang taludtod ang tradisyunal na Tanka. Tatlo sa mga taludtod ay may tigpitong bilang ng pantig samantalang tiglimang pantig naman ang dalawang taludtod. Nagiging daan ang Tanka upang magpahayag ng damdamin sa isa’t isa ang nagmamahalan (lalaki at babae). Ginagamit din sa paglalaro ng aristocrats ang Tanka, kung saan lilikha ng tatlong taludtod at dudugtungan naman ng ibang tao ng dalawang taludtod upang mabuo ang isang Tanka. Gaya nga nang naipahayag na sa unang bahagi ng tekstong ito, noong ika-15 siglo, isinilang ang bagong anyo ng pagbuo ng tula ng mga Hapon. Ang bagong anyo ng tula ay tinawag na Haiku.

Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas lumaganap nang lubos ang Haiku. Binubuo ng labimpitong pantig na nahahati sa tatlong taludturan. Ang pinakamahalaga sa Haiku ay ang pagbigkas ng taludtod na may wastong antala o paghinto. Kiru ang tawag dito o sa Ingles ay cutting. Ang kiru ay kahawig ng sesura sa ating panulaan. Ang Kireji naman ang salitang paghihintuan o “cutting word”. Ito ay kadalasang matatagpuan sa dulo ng isa sa huling tatlong parirala ng bawat berso. Ang kinalalagyan ng salitang pinaghintuan ay maaaring makapagpahiwatig ng saglit na paghinto sa daloy ng kaisipan upang makapagbigay-daan na mapag-isipan ang kaugnayan ng naunang berso sa sinundang berso.

Maaari rin namang makapagbigay - daan ito sa marangal na pagwawakas. Ang mga salita na ginagamit ay maaaring sagisag ng isang kaisipan. Halimbawa ang salitang kawazu ay “palaka” na nagpapahiwatig ng tagsibol. Ang higure naman ay “unang ulan sa pagsisimula ng taglamig”. Mahalagang maunawaan ng babasa ng Haiku at Tanka ang kultura at paniniwala ng mga Hapon upang lubos na mahalaw ang mensaheng nakapaloob sa tula.

Tanka at Haiku
Magkaibang uri ng panulaan ang Tanka at Haiku, bagama't nagsimula ang mga ito sa bansang Hapon. Mayroon itong kaniya-kaniyang katangian ng pagiging magkaiba.
Ang Tanka, isang uri ng tula na maaaring awitin ay  may kabuuang tatlumpu't isang pantig na may limang taludtod. Ang hati ng pantig sa mga taludtod ay 7-7-7-5-5, 5-7-7-7-5 o maaaring magpalit-palit nang nananatili ang kabuuang bilang ng pantig na tatlumpu't isa.
Ang Haiku naman ay higit na maikli sa Tanka. Binubuo ito ng tatlong taludtod na may bilang ng pantig na 5-7-5 o maaaring magkapalit-palit nang di nababago ang kabuuang bilang ng mga pantig na labimpito.
Tungkol sa kalikasan at pag-ibig ang paksa ng Haiku at pagbabago, pag-iisa at pag-ibig naman ang karaniwang paksa ng Tanka.
Tayo naman sa Pilipinas ay may Tanaga, isang uri ng sinaunang tula na nagpapahayag ng kaisipan at binubuo ng apat na taludtod na may tigpipitong pantig sa bawat taludtod, may tugma at puno ng talinghaga. Namalasak ito  noong panahon ng pananakop ng mga Hapones.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento